Aabot sa 215 miyembro ng Kamara de Representantes ang nagpahiwatig umano ng suporta para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ayon kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon.
Kapantay ito ng naging bilang sa unang impeachment case laban sa Bise Presidente noong nakaraang taon.
Dagdag niya, ang bilang ay katumbas ng mahigit 2/3 ng kabuuang miyembro ng Kamara at halos kapareho ng naging boto sa nakaraang impeachment plenary vote.
Nauna rito, tinatayang nasa 180 kongresista naman ang posibleng bumoto pabor sa impeachment, ayon kay House Deputy Speaker Ronaldo Puno.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, sapat na ang 1/3 ng House members o hindi bababa sa 106 boto upang maipasa ang impeachment at maipadala ito sa Senado para sa impeachment trial.
Lahat ng 318 miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay nabigyan na rin ng kopya ng 93-pahinang Articles of Impeachment laban sa Ikalawang Pangulo.
Ayon sa report ng House committee on justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro, si Sara Duterte ay inakusahan ng umano’y maling paggamit ng P612.5 million confidential funds at hindi maipaliwanag na P6.77 billion yaman, bukod sa iba pang mga alegasyon.
Nakasaad din sa report ng kumite na ang mga akusasyon ay hindi hiwa-hiwalay na insidente kundi bahagi ng pattern ng umano’y maling asal na sumisira sa tiwala ng publiko at nagdudulot ng banta sa bansa.
Sa panig naman ng Senado, sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na pinag-iisipan niya ang alok na maging “impeachment manager” sa posibleng paglilitis.
Ayon sa kanya, ito ay magiging katulad ng isang clerk of court na mag-aayos at magpapatakbo ng proseso ng impeachment trial, ngunit wala pang pinal na desisyon tungkol dito.
















