Muling magtatala ng kasaysayan ang ika-20 Kongreso ngayong araw matapos ihayag ni Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Partylist na muling iboboto ng Kamara ang impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte. Ayon kay Ridon, inaasahang aabot sa 215 boto ang magpapasya na ipagpatuloy ang impeachment trial, katulad ng bilang noong nakaraang taon.
Batay sa ulat ng House Committee on Justice, natuklasan ang mahigit P6.77 bilyon na transaksyon sa mga account ng Pangalawang Pangulo at ng kanyang asawa, na malayo sa P88.5 milyon lamang na idineklara sa kanyang 2024 SALN.
Bukod dito, inutusan ng Commission on Audit ang pagbabalik ng P448 milyon bilang personal na pananagutan mula sa mga disallowed confidential fund expenditures.
Dagdag pa rito, may mga video recording na napatunayang totoo na nagpapakita ng tahasang pagbabanta ng Pangalawang Pangulo laban sa Pangulo, Unang Ginang, at dating Speaker ng Kamara.
Ayon kay Ridon, ang lahat ng ito ay malinaw na indikasyon ng betrayal of public trust at paglabag sa Konstitusyon.
Ani Ridon, “Ang boto ngayong araw ay hindi lamang isang pampulitikang hakbang. Ito ay isang konstitusyonal na akto ng pananagutan.
Ang laban na ito ay laban ng sambayanan—para sa katotohanan, pananagutan, at hustisya.”
















