-- Advertisements --

Itinanggi ni impeachment court spokesperson Regie Tongol ang pahayag na hindi welcome sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV.

Ayon kay Ttongol, humiling ang house prosecution panel ng mga subpoena para sa ilang witnesses, ngunit hindi isinama ni prosecutor Terry Ridon si Trillanes sa mga testigong planong iharap noong linggong iyon.

Nang sabihin ng prosecution na maaaring tumestigo si Trillanes noong Miyerkules, wala na umanong sapat na oras para mag-isyu ng subpoena para sa susunod na araw.

Gayunman, sinabi ng korte na maaari siyang humarap nang boluntaryo.

Ipinaliwanag din ni Tongol na kinuwestyon ng presiding officer ang timing ng testimonya ni Trillanes dahil nakatakda umano nitong tukuyin ang mga bank records na hindi pa naihaharap noon sa impeachment court.

Samantala, sinabi ni Tongol na maaari pa ring ipatawag ng prosecution si Trillanes kung mahalaga sa kaso ang mga ebidensyang hawak nito.

Nanatili rin ang dating senador bilang common witness ng prosecution at defense, kaya maaari pa rin siyang iharap sa bahagi ng depensa.