-- Advertisements --

Kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na naisilbi na ang subpoena sa opisina at bahay ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay sa umano’y extra-judicial killings sa Davao Region.

Sa isang press briefing ngayong Lunes, Mayo 11, binasa ng kalihim ang nilalaman ng subpoena duces tecum kung saan inatasan si Dela Rosa na humarap sa Mayo 14, alas-10 ng umaga sa PNP-CIDG sa Quezon City.

Gayundin, pinagsusumite si Dela Rosa ng sworn affidavit, mga dokumento at iba pang kaugnay na impormasyon may kinalaman sa imbestigasyon.

Nagbabala rin siya na ang hindi pagsunod sa subpoena ay maaaring maging batayan para sa pagsasampa ng kasong indirect contempt sa korte.

Nilinaw naman ni Sec. Remulla na walang kinalaman sa usap-usapang aarrest warrant ng International Criminal Court (ICC) ang pagpapa-subpoena kay Dela Rosa.

Nanindigan din ang kalihim na wala pa silang hawak sa ngayon ng opisyal na kopiya ng posibleng arrest warrant mula sa ICC.