-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dadalo ang lahat ng heads of state ng mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa ASEAN Summit 2026 sa Cebu, maliban sa leader ng Myanmar.

Ayon kay DFA Assistant Secretary at ASEAN spokesperson Dominic Xavier Imperial, hindi ang bagong lider ng Myanmar ang dadalo kundi mga kinatawan lamang ng kanilang Ministry of Foreign Affairs.

Sa halip, ipapadala ng Myanmar ang Permanent Secretary ng foreign ministry at ang kinatawan sa Senior Officials’ Meeting (SOM).

Nauna nang nahalal bilang presidente ng Myanmar si Min Aung Hlaing sa pamamagitan ng parliamentary vote noong Abril, matapos siyang umangat sa puwesto kasunod ng kudeta noong 2021 na nagpatalsik sa gobyerno ni Aung San Suu Kyi.

Ayon kay Imperial, nananatili ang desisyon ng mga lider ng ASEAN na limitahan ang representasyon ng Myanmar sa mga nakalipas na summit dahil sa patuloy na krisis sa bansa.

Dagdag pa niya, nananatiling ipinatutupad ang dating desisyon na ang representasyon ng Myanmar ay sa antas lamang ng SOM leader at Permanent Secretary.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na wala pang consensus ang ASEAN kung kikilalanin ang kamakailang halalan sa Myanmar.

Patuloy ding mino-monitor ng bloc ang implementasyon ng five-point consensus na nananawagan ng pagtigil ng karahasan at pagpapadala ng humanitarian aid sa Myanmar.

Ang ASEAN ay binubuo ng mga bansa tulad ng Pilipinas, Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Singapore, Thailand, Timor-Leste, Vietnam, at Myanmar.