Pormal nang inihalal bilang bagong Pangulo ng Senado si Senator Alan Peter Cayetano sa ginanap na botohan sa plenary session ng Mataas na Kapulungan ngayong Lunes, Mayo 11.
Sa kabuuang 24 na senador na dumalo sa sesyon, nakakuha si Cayetano ng 13 boto, sapat upang talunin si Senator Vicente “Tito” Sotto III na nakakuha ng 9 na boto.
Kabilang sa bumoto ng pabor kay Cayetano maliban sa siyam niyang kasamahan sa Minority bloc, ay ang kaniyang kapatid na si Sen. Pia Cayetano at ang magkapatid na sina Sen. Camille at Mark Villar.
Ang siyam na Senador naman na bumoto kay Sen. Sotto sina Sen. Bam Aquino, Win Gatchalian, Risa Hontiveros, Panfilo Lacson, Lito Lapid, Kiko Pangilinan, Raffy Tulfo, Erwin Tulfo at Tito Sotto.
Dalawang senador naman ang nagpasyang mag-abstain kabilang sina Sen. JV Eqjercito at Sen. Juan Miguel Zubiri.
Si Cayetano na ang ikaapat na lider ng Senado sa ilalim ng administrasyong Marcos. Matatandaang unang nagsilbi bilang Senate President si Sen. Juan Miguel Zubiri sa simula ng administrasyon, na sinundan ni Sen. Francis “Chiz” Escudero noong 2024, at Sen. Tito Sotto noong 2025.
Naganap ang balasahan sa gitna ng mainit na usapin hinggil sa Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Inaasahang tatawid ang reklamo sa Senado para sa isang ganap na impeachment trial sakaling makakuha ito ng kinakailangang 1/3 na boto mula sa Mababang Kapulungan.
















