Ipagpapatuloy na ng Philippine National Police (PNP) ang fact-finding review nito sa extra-judicial killings (EJKs) at sa kaugnay na mga insidente.
Ito ay matapos ipag-utos ni Department of the Interior and Local Govenment (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa pambansang pulisya sa pangunguna ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na ituloy ang pagsisiyasat sa mga napaulat at mga reklamo kaugnay sa EJK-related incidents sa mga nakalipas na police operations kabilang na noong panahon na nagsilbing Davao City Police Director si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.
Kaugnay nito, sinabi ng PNP Chief na itutuloy ng PNP ang imbestigasyon batay sa ebidensiya na nakaangkla sa existing case materials at reports na isinumite ng iba’t ibang police units at oversight bodies.
Kinumpirma rin ng heneral na naatasan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para pangunahan ang imbestigasyon at simulan ang pag-isyu ng subpeonas sa mga indibidwal na natukoy sa case records bilang bahagi ng standard fact-finding procedures.
Nilinaw naman ng PNP na ang subpoenas ay hindi arrest warrants kundi legal instruments na layuning makakuha ng impormasypn at linawin ang kanilang findings.
Tiniyak din ng mga opisyal na ang proseso ay isasagawa ng patas at walang bias.
Ayon kay Nartatez, posibleng imbitahan para magbigay ng impormasyon ang mga indibidwal na pinangalanan sa nakalipas na reports kabilang na si dating PNP Chief Dela Rosa.
Ipinaliwanag ng PNP na ang naturang review ay naglalayong matugunan ang matagal ng mga katanungan sa nakalipas na operasyon at upang mapalakas pa ang institutional accountability.















