-- Advertisements --

Sisimulan na bukas, Agosto 14, ang unang pagdinig ng Truth Commission na binuo para idokumento ang umano’y extrajudicial killings (EJKS) na konektado sa war on drugs ng Duterte administration.

Kinumpirma ito ng chairperson ng komisyon na si Atty. Raul Pangalangan. Isasagawa aniya ang pagdinig sa Pope Pius Center sa lungsod ng Maynila.

Isa sa mga kasong tatalakayin sa initial proceedings ay tungkol sa 19 anyos na lalaking si Raymart Siapo mula sa Navotas, na napatay noong 2017 matapos akusahang nagbebenta umano ng marijuana.

Ayon kay Pangalangan, nagsagawa na ng exhumation o paghukay sa bangkay ni Siapo, na sinuri ng foresic pathologist na si Dr. Rquel Fortun. Kayat inaasahang iprepresenta sa pagdinig ang findings sa pagkasawi ni Siapo.

Matatandaang nabuo ang komisyon, na may limang miyembro, kasunod ng panawagan ni Cardinal Virgilio David noong Nobiyembre ng nakalipas na taon. Inorganisa ito ng Simbahang Katolika at civil society organizations, na walang prosecutorial o judicial powers.

Subalit ayon kay Pangalangan, na nagsilbing dating hukom ng International Criminal Court (ICC), maaaring dinggin ng komisyon ang mga kaso na labas sa hurisdiksiyon ng international tribunal.

Pangunahing layunin ng komisyon ay mapakinggan ang panig ng mga biktima, idokumento ang kanilang mga karanasan at isama ang impormasyon sa formal report.

Ayon kay Pangalangan, maaaring ibigay ng komisyon ang makakalap nitong ebidensiya at findings sa kaugnay na mga ahensiya ng pamahalaan gayundin sa international human rights organization para sa posibleng aksiyon.

Bukas naman ang komisyon na mapakinggan ang lahat ng panig kabilang ang mga opisyal ng gobyerno at indibidwal na makapagbibigay ng impormasyon o sarili nilang accounts.