-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Malacañang ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na galit ang buong sambayanang Pilipino sa pag-aresto at pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands upang harapin ang International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, natural lamang ang naging reaksyon ng bise presidente bilang anak ng akusado.

Subalit binigyang-diin ng opisyal na kabaligtaran ang sentimyento ng mga biktima ng extrajudicial killings o EJK, pati na ng mga tagapagsulong ng human rights, na matagal nang humihingi ng pananagutan.

Ipinunto ng Palasyo na ang naging hakbang ng pamahalaan ay direktang tugon sa mga Pilipinong naghain ng complaint sa ICC matapos makaramdam ng kawalan ng hustisya sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Sinabi rin ni Castro na ang kasalukuyang sitwasyon ay hindi rason para magalit ang mga indibidwal na naulila at biktima ng war on drugs.

Nahaharap ang dating pangulo sa imbestigasyon ng ICC dahil sa mga pormal na alegasyon ng crimes against humanity kaugnay ng kaniyang naging kampanya kontra ilegal na droga noong siya ay nakaupo sa pwesto.

Iginiit ng Malacañang na ang pagpapadala kay Duterte sa The Hague ay ang unang hakbang upang gumulong ang patas na paglilitis.

Ito ay hindi lamang umano para sa mga biktima ng EJK, kundi isang pormal na pagkakataon din para sa dating pangulo upang ipagtanggol ang kaniyang sarili sa tamang korte.