-- Advertisements --

Nagtakda ang Department of Agriculture (DA) ng deadline hanggang sa pagtatapos ng taon para sa mandatoryong pagpaparehistro ng lahat ng bodega at pasilidad na nag-iimbak ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan.

Ayon sa DA, kailangang makumpleto ang pagpaparehistro at mga kinakailangang requirements hanggang sa Disyembre 31 ngayong taon.

Isinasagawa ang registration sa pamamagitan ng Registry System for Agri Storage (RSAS), isang centralized platform para sa imbentaryo at lokasyon ng mga nakaimbak na produkto.

Layunin ng sistema na matulungan ang gobyerno na makuha ang tamang datos sa volume ng mga imported na produktong agrikultural, partikular na ang bigas.

Nakapaloob ang kautusang ito sa Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na naglalayong masugpo ang smuggling, hoarding, at iba pang iligal na aktibidad sa merkado.

Batay sa batas at sa DA Memorandum Circular No. 3, s. 2026, kailangang magparehistro ang mga may-ari ng pasilidad at panatilihin ang tumpak na rekord sa loob ng limang taon.

Nililinaw ng DA na hiwalay ang registration sa inspection, at nakatakda na rin ang nationwide schedule sa 2027 para sa monitoring ng mga pasilidad.