-- Advertisements --

Nakumpleto na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtanggap ng daan-daang aplikasyon para sa special permits ng mga bus na bibiyahe ngayong Undas.

Ayon kay LTFRB Acting Chairman Greg Pua Jr., nasa 356 special permit applications na ang kanilang natanggap, na sumasaklaw sa 1,003 bus units para sa iba’t ibang ruta sa bansa.

Mas mataas ito kumpara noong Undas 2025 na may 323 aplikasyon para sa 847 bus units.

Sinabi ni Pua na pinapabilis nila ang pagproseso ng mga permit upang matiyak na sapat ang bilang ng mga bus para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero patungo at pabalik sa kanilang mga probinsya.

Gayunman, sasailalim muna sa mahigpit na pagsusuri ang mga bus, partikular ang kanilang roadworthiness, bago mabigyan ng special permit.

Tiniyak din ng kagawaran na susuriin ang kondisyon ng mga bus terminal at ipatutupad ang mga pangunahing requirement para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.

Inatasan din ang mga operator na tiyaking pisikal at mental na handa ang kanilang mga driver, habang maaari ring maparusahan ang mga operator sakaling magkaroon ng reckless driving ang kanilang mga tauhan.