Inatasan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga regional office nito na tulungan ang mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs) sa pagkuha ng fare guides para sa pagpapatupad ng bagong pamasahe.
Ito ay matapos iulat na may ilang driver na nag-aatubiling maningil ng dagdag-pasahe dahil wala pa silang hawak na fare matrix.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Greg Pua Jr., hindi na kailangang hintayin ang opisyal na fare matrix para maipatupad ang aprubadong dagdag-pasahe.
Sa halip, maaaring gamitin muna ng mga PUV operator at driver ang temporary fare guide na maaaring i-download sa website ng LTFRB.
Mananatiling valid ang temporary fare guide hanggang Disyembre 31, 2026.
Simula Enero 1, 2027, kinakailangan nang magkaroon at maglagay sa kanilang mga sasakyan ng official fare guide o fare matrix na ilalabas ng LTFRB.















