-- Advertisements --

Pinasusumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng paliwanag ang 19 Transport Network Companies (TNCs) kaugnay ng hindi umano pagpapatupad ng aprubadong taas-pasahe para sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Ayon sa ahensya , naglabas ito ng show cause order matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa mga TNVS driver na hindi pa naia-adjust ng ilang TNC ang kanilang pasahe kahit ipinatupad na ang fare increase noong Setyembre 28.

Sa ilalim ng bagong pasahe, naging Php 65 mula Php 45 ang base fare ng para sa mga Sedan, Php 75 mula Php 55 para sa mga AUVs, Php 55 mula Php 35 para sa mga hatchback, at Php 165 mula Php 145 para sa premium TNVS.

Sinabi ni LTFRB Acting Chairman Greg Pua Jr. na mahalagang maipatupad ang fare hike dahil mga driver o TNVS partners umano ang sumasagot sa gastos sa gasolina at diesel, hindi ang mga TNC.

May tatlong araw ang mga kumpanya mula sa pagtanggap ng order para magsumite ng kanilang paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanilang accreditation.

Nakatakda namang dinggin ng LTFRB ang kaso sa Oktubre 7.