-- Advertisements --

Ipinapatawag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 19 Transport Network Companies (TNCs) matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa ilang rider hinggil sa umano’y hindi pagpapatupad ng aprubadong fare increase para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS).

Matatandaang ipinatupad ng LTFRB noong Lunes ang bagong pasahe para sa mga public utility vehicle (PUV), kabilang ang mga TNVS.

Sa ilalim ng bagong fare matrix, tumaas mula ₱45 hanggang ₱65 ang base fare para sa TNVS sedan. Para naman sa AUV, ₱55 na ang base fare mula sa dating ₱35, habang ₱65 na rin ang base fare para sa hatchback. Samantala, ₱165 naman ang bagong base fare para sa premium TNVS.

Dahil dito, pinagsusulat ng LTFRB ang 19 TNCs upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng suspensiyon o kanselasyon ng kanilang accreditation dahil sa umano’y hindi pagsunod sa ipinatutupad na fare hike.

Isasagawa ang hearing sa Oktubre 7, kung saan bibigyan ng pagkakataon ang mga kinauukulang TNC na magpaliwanag hinggil sa mga reklamo.