DAPAT seryosong siyasatin ang mga bagong rebelasyon ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Ito ang inihayag ni House prosecution spokesperson Robert Ace Barbers, matapos umanong makumpirma sa government records ang bahagi ng financial trail na tinukoy ng dating senador.
Ayon kay Barbers, 19 sa 19 na transaksyong random na sinuri mula sa sworn affidavit ni Trillanes ay may katumbas na entries sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) records.
Sinabi rin niyang 15 bank accounts na unang ikinumpara ng prosecution sa AMLC records ay pawang nagtugma.
Kabilang sa mga isyung inilabas ni Trillanes ang mga transaksyong may kaugnayan umano sa pamilya Duterte, Gencorp Industries Inc., Metro City Chow Foods Corp. at Cale88 Foods Corp., na iniuugnay sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Iginiit ni Barbers na kahit hindi na magiging testigo si Trillanes, hindi nawawala ang mga dokumentong maaaring magsilbing ebidensya.
Dagdag pa ni Barbers, susuriin pa ng prosecution ang iba pang pahayag ni Trillanes at ihahambing ang mga ito sa opisyal na records.









