-- Advertisements --

Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng buhay na baka, produktong baka, at animal protein mula sa United Kingdom kasunod ng naitalang kaso ng mad cow disease sa North Ayrshire, Scotland.

Ipinatupad ang naturang larang sa pamamagitan ng Department Circular 50 na nilagdaan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. noong Setyembre 21 matapos makatanggap ng pormal na ulat mula sa World Organization for Animal Health hinggil sa pagkakakumpirma ng kaso ng bovine spongiform encephalopathy (BSE).

Kaugnay nito, pormal nang pinasuspinde ng DA ang pagpoproseso at paglalabas ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSICs) para sa mga baka at kaugnay na produkto mula sa nasabing bansa habang pawang pinawawalang-bisa rin ang mga nauna nang naisagawang permiso.

Nagbabala rin ang ahensiya na ang mad cow disease ay nagdudulot ng isang nakamamatay na impeksyon sa utak ng tao na tinatawag na variant Creutzfeldt-Jakob disease (vCJD) kapag nakakain ng kontaminadong karne.

Dahil dito, inatasan na ni Secretary Tiu Laurel ang lahat ng veterinary quarantine officer sa mga pantalan at paliparan sa buong bansa na magpatupad ng mas mahigpit na inspeksyon sa lahat ng papasok na kargamento upang maprotektahan ang kalusugan ng mga mamamayan.