Naungkat ang mahigit P469 milyon umano mula sa Chinese government at China-based corporations ang napunta sa mga entity na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte at sa kanyang asawang si atty. Manases “Mans” Carpio.
Ito ang isa sa mga ibinunyag ni dating senador Antonio Trillanes sa kanyang press conference kahapon, matapos niyang hilingin sa prosecution na hindi na tetestigo impeachment trial ng Bise Presidente.
Ayon kay Trillanes, P150 milyon umano ang natanggap ng Tapang at Malasakit Alliance for the Philippines, isang foundation na itinatag ni Vice President Sara Duterte.
Batay sa mga dokumentong ipinakita ni Trillanes, ang naturang pondo ay mula sa Embassy of the People’s Republic of China at inilaan umano sa pagpapatayo ng 13 classroom buildings sa Davao City, sa ilalim ng kasunduan na isinagawa kasama ang Chinese Embassy.
Samantala, mahigit P319 milyon naman umano ang pumasok sa Cale88 Foods Corporation, isang kompanyang iniugnay ni Trillanes kay sa asawa ng bise presidente na si Mans Carpio.
Iginiit ni Trillanes na may malaking tanong sa pinagmulan at daloy ng naturang pondo, lalo na dahil umano sa pagkakaroon ng financial transactions mula sa China.
Para kay Trillanes, hindi lamang ito usapin ng pera kundi may national security implications, dahil sangkot umano rito ang mga entity na may kaugnayan sa isang nakaupong bise presidente.
Aniya, kung hindi pa umano impeachable ang ganitong mga alegasyon, hindi na niya alam kung ano pa ang maituturing na impeachable.
Samantala, naglabas naman ng pahayag ang kampo ng pangalawang pangulo at sinabing “malicious fabrications” ang mga paratang o alegasyon ni Trillanes.















