Tatlong Pilipino ang inaresto ng awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City matapos mabisto ang mga itong may bitbit na pinaghihinalaang marijuana o kush nitong Huwebes, Setyembre 24.
Narekober ng awtoridad ang tinatayang 18,679 gramo ng pinaghihinalaang marijuana na may pag-eestimang halagang umaabot sa P18,679,000.
Ayon sa isinagawang operasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang iba pang ahensiya, suma-total na anim na bagaheng naglalaman ng marijuana kush ang nakumpiska ng awtoridad kung saan nakasilid ang mga ito sa self-sealing foil pouches at vacuum-sealed transparent plastic bags.
Ayon pa sa imbestigasyon, galing ang tatlong suspek sa Bangkok, Thailand bago ito maharang sa terminal.
Nakatakda na ring isalang ang mga nasabing ebidensiya sa dokumentasyon at forensic examination.
Nasa ilalim naman na ng kustodiya ng awtoridad ang mga suspek kung saan maaaring maharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
















