Nagsampa ng reklamo ngayong araw ang Bureau of Customs sa Department of Justice kontra sa ilang indibidwal kaugnay sa umano’y maling mga idineklarang produktong agrikultura.
Sa panayam kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, naghain sila ng anim na reklamong kriminal laban sa 14 na indibidwal kabilang ang may-ari ng Berches Consumer Goods Trading, mga kinatawan ng importer, at iba pa.
Bukod sa nabanggit, kasama rin sa mga sinampahan ng reklamo maging ang ilang kawani ng ahensiya.
Ang paghahain aniya ng reklamo ay babala sa mga masasamang loob at tauhan ng Bureau of Customs na wala umano silang pipiliin sapagkat tiyak na papanagutin.
May kinalaman ang mga reklamo sa anim na ‘shipments’ na ‘misdeclared agricultural products’ bilang ‘chicken lollipops’ para itago ang libu-libong sako ng sibuyas at kahun-kahon ‘imported carrots’ nang walang ‘regulatory clearance’.
Aabot sa higit 15-libong sako ng ‘fresh white onions’ ang nadiskubre, at 2,164 kahon ng ‘fresh carrots’.
Ayon kay Customs Comm. Nepomuceno, tinatayang P17.5 million ang halaga ng mga produktong tinangkang maipuslit sa bansa.
Isa sa mga reklamo ay ang paglabag sa Section 1401, in relation to sections 1400 at 117 ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Binigyang diin pa ng komisyuner na patuloy umano nilang papanagutin hindi lamang ang mga smugglers kundi pati mga opisyal o empleyado ng Bureau of Customs na sangkot sa ilegal na gawain.















