Inihayag ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na hindi agad papatawan ng multa ang mga operator na lumahok sa tigil-pasada ng transport group na MANIBELA.
Ayon kay LTFRB Acting Chairman Greg Pua Jr., kailangan munang mapatunayang lumabag ang isang operator sa kondisyon ng prangkisa at mabigyan ito ng pagkakataong magpaliwanag bago magpataw ng anumang parusa.
Nilinaw ito ni Pua matapos personal na magtungo sa kilos-protesta ng MANIBELA sa Philcoa, Quezon City, kung saan kinompronta ni MANIBELA Chairman Mar Valbuena ang mga tauhan ng LTFRB na umano’y kumukuha ng litrato ng plaka ng mga jeepney na lumahok sa protesta.
Paliwanag ni Pua, ipinadala lamang ang mga tauhan ng ahensya upang bantayan kung may mga pasaherong mai-stranded at agad na makapag-deploy ng libreng sakay kung kinakailangan.
Humingi rin ng paumanhin ang opisyal sa nangyaring komprontasyon at nilinaw na hindi layunin ng mga tauhan ng LTFRB na kunan ang mga plaka upang magpataw ng multa.
Tiniyak naman ni Pua na hindi awtomatikong pagmumultahin ng Php 5,000 ang mga lumahok sa tigil-pasada.
















