-- Advertisements --

Inihayag ni Vice President Sara Duterte na nakadepende pa kung dadalo siya sa impeachment trial matapos banggitin ng house prosecution ang posibilidad na isalang siya bilang witness.

Ayon kay Duterte, wala pa siyang natatanggap na anumang pagpapatawag mula sa Senate impeachment court.

Iginiit ng Bise Presidente na ang impeachment ay isang legal na proseso at ang pagharap ng kanyang mga abogado sa Senado ang itinuturing niyang kanyang appearance at participation sa nasabing proseso.

Samantala, inihahanda ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang depensa sakaling iharap bilang hostile witness si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa impeachment trial ng kanyang kapatid.

Ayon kay defense lawyer Justin Gular, natanggap na nila ang kopya ng subpoena para kay Baste, ngunit hindi muna nila inilalabas ang kanilang magiging paghahanda hanggang hindi nila nakikita ang magiging testimonya nito at mga dokumentong maaari nitong iharap.

Noong Martes, personal na nagtungo sa Davao City ang dalawang tauhan ng Senate Office of the Sergeant-at-Arms upang ihatid ang subpoena.

Inaatasan si Baste na humarap sa Senate impeachment court mula Setyembre 28 hanggang 30, alas-10 ng umaga, bilang witness ng house prosecution.

Nakasaad sa subpoena na kailangan niyang magbigay ng testimonya kaugnay ng kanyang nalalaman sa kasong impeachment laban kay VP Sara Duterte.