-- Advertisements --

Inamin ni Senador Erwin Tulfo na sinuportahan niya noon ang kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit sinabi niyang nagbago ang kanyang pananaw dahil sa umano’y mga kaso ng extrajudicial killings (EJK) na iniugnay sa naturang kampanya.

Ginawa ni Tulfo ang pahayag habang nagpapatuloy ang tensyon sa Senado kasunod ng hindi pagdalo ng mga senador mula sa majority bloc sa plenary session noong Hunyo 2, na nagresulta sa kawalan ng quorum at pagkansela ng sesyon sa ikalawang sunod na araw.

Sa naturang panayam, tahasang binatikos ni Tulfo si dating Senate President Alan Peter Cayetano at nanawagang magbitiw ito sa puwesto dahil sa umano’y krisis sa pamumuno sa Senado.

Giit ng senador na ang kasalukuyang sigalot sa Senado ay hindi nakaugat sa usapin ng war on drugs kundi sa pamamalakad sa loob ng kapulungan.

Kasabay nito, inamin ni Tulfo na dati niyang sinuportahan ang kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon, ngunit nagkaroon siya ng pagdududa dahil sa mga naiulat na pagkamatay sa ilalim ng operasyon laban sa ilegal na droga.

Ang pahayag ng senador ay kasunod ng mga panawagang ipagpatuloy ang mga imbestigasyon kaugnay ng war on drugs at iba pang usapin ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.

Samantala, lalong uminit ang sitwasyon sa Senado matapos ang mga kaganapan noong Miyerkules, Hunyo 3, kung saan iniluklok si Senador Sherwin ”Win” Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President na dinaluhan ng mga senador mula sa minority bloc kasama si Senador Francis “Chiz” Escudero.

Kasunod nito, isinagawa rin ang balasahan ng ilang komite sa Senado. Kabilang dito ang paglipat ng pamumuno ng Blue Ribbon Committee kay Tulfo, na dating pinamumunuan ni Senador Pia Cayetano.

Bilang bagong chairperson ng komite, sinabi ni Tulfo na nakatakdang simulan ang imbestigasyon sa mga flood control projects sa Hunyo 8.

Gayunpaman, naglabas naman ng memorandum si Senate President Alan Peter Cayetano na magpapatuloy ang nakatakdang pagdinig ng Blue Ribbon Committee ngayong araw, Hunyo 04, 2026 kaugnay ng mga umano’y maanomalyang flood control projects.