-- Advertisements --

Iniulat ng mga awtoridad sa Cuba na bumagsak na ang kanilang national electric grid noong Lunes (araw sa Cuba) na nagdulot ng malawakang blackout na nakaapekto sa halos 10 milyong residente sa buong isla.

Ang insidente ay naganap sa gitna ng matinding oil blockade na ipinatupad ng Estados Unidos na siyang nagpalala sa generation system ng bansa.

Kasalukuyan namang iniimbestigahan kung ano talaga ang sanhi ng pagbagsak ng grid, matapos ang sunod-sunod na malalaking outage na tumagal ng ilang araw.

Ayon sa pamahalaan hindi muna nila isisisi ang pagkasira sa malaking planta ng kuryente, kundi maaari raw na problema sa transmisyon ang dahilan ng pagsira.

Napag-alaman na ang oil blockade ng Amerika ay nagresulta sa pag-pigil ng mga fuel imports sa loob ng ilang buwan sa bansa matapos makulong si Venezuelan President Nicolás Maduro na isa sa mga sumusuporta sa Cuba para magpadala ng suplay ng langis.

Sa ngayon umaaasa ang Cuba sa Mexico at Jamaica na naghahatid ng limitadong suplay ng langis ngayong taon.

Habang unti‑unti nang sinisimulang ibalik ang ilang maliit na bahagi ng hook‑up ng kuryente, nananatili pa rin kasi ang malaking hamon para maibalik ang buong grid at mapanatili ang supply ng kuryente.

Samantala, maraming Cubano naman ang nababahala sa pangmatagalang epekto ng krisis, habang regular na nakararanas ng mga blackout ang bansa.

Iniulat din na marami sa mga ito ang naghahanap ng alternatibong paraan upang patakbuhin ang kanilang negosyo, mga ospital, at serbisyo na siyang naapektuhan ng malawakang blackout.

Dahil dito, ang Cuba ay nahaharap sa tumitinding krisis sa enerhiya na nagpalala ng kakulangan sa kuryente, tubig, at iba pang serbisyong publiko sa bansa.