Mariing itinanggi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na humiling siya ng “ceasefire” kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson kaugnay ng kanilang bangayan sa isyu ng umano’y mga “ghost projects” sa Taguig City.
Ang pahayag ni Cayetano ay tugon sa naging social media post ni Lacson na nagsabing may isang senador na umano’y “pabulong” na humihiling ng tigil-alitan, bagama’t wala itong binanggit na pangalan.
Ayon kay Cayetano, may ilang senador ang nagpahayag ng pangamba na ang kanilang palitan ng akusasyon ay maaaring makasira sa imahe ng Senado, mailihis ang atensyon sa mas mahahalagang usapin, at makaapekto sa interes ng publiko.
“Noong ako’y nagsasalita, ang daldal ko raw… Noong tumahimik naman ako… baka guilty. Tapos ngayon sasabihin na humihingi ako sa kaniya na itigil na. Hindi po,” ani Cayetano.
Iginiit pa ng senador na mas mahalagang pagtuunan ng pansin ang mga isyu tulad ng mataas na presyo ng kuryente at langis, online gaming, at vape kaysa sa personal na bangayan.
Sinabi rin ni Cayetano na handa siyang harapin ang anumang alegasyong ibinabato laban sa kanya.
















