-- Advertisements --

Kinuwesyon ni Senator Panfilo ”Ping” Lacson ang P1.9-trillion pondo para sa flood control projects ng gobyerno matapos muling makaranas ng malawakang pagbaha ang ilang bahagi ng bansa dahil sa walang humpay na buhos ng ulan dulot ng Habagat.

Ayon kay Lacson, umabot sa P1.939 trillion ang ginastos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control management program mula 2011 hanggang 2025.

Pero sa kabila ng malaking pondong inilaan, patuloy pa rin aniyang nararanasan ang mga pagbaha sa maraming lugar, kabilang ang Metro Manila.

Sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Lacson na mahigit P1 trillion ang ginastos sa flood management sa nakalipas na 15 taon.

Katumbas umano ito ng halos P350 million kada araw.

Pinakamalaki ang taunang pondo noong 2025, na umabot sa P372.8 billion.

Sinundan ito ng P346.7 billion noong 2024 at P287 billion noong 2023.

Ayon kay Lacson, dapat masuri kung naging epektibo ba ang mga flood control project ng DPWH, lalo na’t patuloy na nakararanas ng matinding pagbaha ang iba’t ibang lugar.

Nauna na ring naglabas ng mga alegasyon si Lacson tungkol sa umano’y maanumalyang proyekto sa ilang flood control projects sa Bulacan at Oriental Mindoro.

Nakapagsumite na rin umano siya ng mga ebidensya sa Office of the Ombudsman kaugnay ng ilang sinasabing maanomalyang slope protection projects at ilegal na reclamation activities sa Taguig City.