Iginiit ni Senator-judge Alan Peter Cayetano na hindi dapat isantabi o baluktutin ang batas sa gitna ng impeachment trial, at kailangang manatiling nakasandig sa Konstitusyon ang bawat hakbang ng proceedings.
Sa kanyang manipistasyon sa ika-33 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahapon, binalikan ni Cayetano ang kanyang karanasan sa mga nakaraang impeachment proceedings kasama sina Senators Migz Zubiri at Chiz Escudero.
Aniya, naging mahalagang prinsipyo sa mga naturang proceedings ang paghinto at pagsusuri sa proseso kapag kinakailangan, sa halip na ipilit ang isang hakbang na maaaring lumabag sa batas o Konstitusyon.
Para sa Senador, hindi dapat maging dahilan ang layuning papanagutin ang isang opisyal para maisantabi ang constitutional at legal safeguards ng impeachment process.
Binigyang-diin ni Cayetano na mas mahalagang maprotektahan ang Konstitusyon at batas kaysa sa agarang layunin na managot ang isang tao.
Dahil dito, nanindigan siyang dapat maisagawa ang impeachment proceedings sa loob ng itinakdang constitutional at legal framework, anuman ang bigat ng alegasyon o pananagutan na tinatalakay sa paglilitis.
Samantala, magpapatuloy naman ngayong araw ng Martes, Oktubre 6 ang impeachment trial ng bise presidente.
















