-- Advertisements --

Sinabi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ang 2025 national budget na ang huling spending plan na naglalaman ng tinatawag na “Leadership fund.”

Ayon kay Lacson, ginawa umano ito nina dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at yumaong Undersecretary Catalina Cabral.

Para kay Lacson, hindi ito ang tamang proseso dahil binibigyan nito ang mga mambabatas ng pagkakataong tukuyin ang mga proyekto habang nasa budget preparation stage pa lamang.

Aniya, dapat ay Executive Branch ang pangunahing gumagawa ng panukalang budget. Sa halip, dapat aniyang nakikilahok ang mga mambabatas sa local development councils upang matukoy ang pangangailangan ng kanilang mga distrito, na magiging bahagi ng local, provincial at regional development planning.

Inihambing ni Lacson ang leadership fund sa pork barrel system na idineklarang unconstitutional ng Supreme Court noong 2013.

Ayon sa senador, mas nakababahala umano ang leadership fund dahil nakikialam na ang mga mambabatas sa budget habang nasa preparation stage pa ito, na dapat ay sakop ng Executive Branch.

Ipinaliwanag ni Lacson na may apat na yugto ang proseso ng pambansang budget. Ito ang Preparation, Authorization o legislation, Implementation, at Accountability o oversight.

Dapat umanong sa authorization o legislative stage pumapasok ang Kongreso upang suriin at amyendahan ang proposed budget.

May P500-M na ‘allocable’ umano

Ibinahagi rin ni Lacson ang isang insidenteng kinasasangkutan umano ni Cabral.

Ayon sa senador, matapos manalo si Senator Vicente ”Tito” Sotto III bilang Senate President noon, nagpadala umano ng mensahe si Cabral sa kanyang staff na nagsasabing may P500 million na “allocable” para kay Sotto.

Ipinakita umano ni Sotto kay Lacson ang mensahe dahil aktibo noon ang senador sa budget deliberations bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee.

Hindi naman nilinaw ni Lacson kung ang P500 million ay tumutukoy sa final appropriation, proposed allocation o partikular na mga proyekto.

Nauna na ring pinuna ni Lacson ang tungkol sa mga “allocable” batay sa mga dokumentong nauugnay kay Cabral.

Noong Disyembre 2025, sinabi niyang may ilang Cabinet secretaries at undersecretaries na may bilyun-bilyong pisong allocables at non-allocables sa 2025 budget.

Giit ni Lacson, hindi awtomatikong nangangahulugan na may maling paggamit ng pondo kapag may allocable, ngunit maaari umano itong maging dahilan ng korapsyon.

Aniya, lalo itong naging nakababahala dahil lumaki na umano sa bilyun-bilyong piso ang halaga ng mga allocation na nauugnay sa ilang mambabatas.