-- Advertisements --

Nagsumite na ang Philippine General Hospital (PGH) sa Sandiganbayan ng medical examination report ni dating House Speaker Martin Romualdez, na nahaharap sa nonbailable na kasong plunder.

Gagamitin ang report sa pagtukoy kung kailangan pang manatili ni Romualdez sa PGH o maaari na siyang ilipat sa New Quezon City Jail sa Payatas, kung saan nakakulong ang iba pang sangkot rin sa flood control scam.

Inaasahang haharap sa Sandiganbayan ngayong Lunes si PGH Director Dr. Gerardo Legaspi o ang kaniyang kinatawan upang ilahad ang resulta ng independent medical examination at kung may mahalagang pangangailangan pa para palawigin pa ang confinement ni Romualdez sa ospital.

Samantala, sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na agad nitong ililipat si Romualdez sa Quezon City Jail sakaling iutos ng Sandiganbayan at ideklarang fit na siya para sa transfer.

Kung mananatili sa PGH, patuloy na babantayan ng BJMP ang dating House speaker sa loob at labas ng kaniyang private room, gayundin ang paligid ng ospital.

Ayon kay BJMP Spokesperson Jail Supt. Rex Bustinera, wala silang namonitor na banta kay Romualdez at nananatiling normal ang security situation mula nang mapasailalim siya sa kanilang kustodiya nitong Huwebes.

Dinala si Romualdez sa PGH mula sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City nitong Sabado para sumailalim sa pagsusuri matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya.

Si Romualdez, 62, ay nahaharap sa P7.4-bilyong plunder case na isinampa ng Office of the Ombudsman laban sa kaniya at tatlo pang indibidwal kaugnay ng umano’y kickback scheme sa mga flood control project.

Sa motion para manatili sa ospital, sinabi ni Romualdez na mayroon siyang Type 2 diabetes, hypertension, primary hypothyroidism at iba pang karamdaman.

Kung ililipat sa New Quezon City Jail, sasailalim muna si Romualdez sa panibagong assessment bago tukuyin kung saang cell siya ilalagay.

Ayon sa Bustinera, karaniwang inilalagay ang mga persons deprived of liberty kasama ng iba pang detainees at hindi sa single-occupancy cell. Para naman sa mga may sakit, mas ligtas umanong may kasama sa selda sakaling magkaroon ng emergency.

May mahigit 3,200 PDLs ang Quezon City Jail, kumpara sa tinatayang kapasidad nitong 4,200 hanggang 4,300 nang hindi nagkakaroon ng overcrowding.

May 27 bakanteng selda sa bagong renovated building ng pasilidad, bukod pa sa mga bakanteng selda sa infirmary.

Ang bawat selda ay may lawak na 50 square meters at may limang double-decker beds na maaaring tumanggap ng hanggang 10 PDLs.

May in-house doctor, 24-hour nurses at basic medical facilities din ang kulungan, kabilang ang X-ray at laboratory services.

Samantala, ayon sa BJMP, mga doktor at abogado pa lamang ni Romualdez ang dumalaw sa kaniya mula nang ilipat siya sa PGH. Wala pa umanong dumadalaw na kaanak o kaibigan.

Nakatakda ring magtungo sa PGH si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes ng umaga, bagama’t hindi pa inilalabas ang dahilan ng kaniyang pagbisita at hindi rin malinaw kung dadalawin niya si Romualdez.