-- Advertisements --

Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na dapat maging maingat, sistematiko at masinsinan ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects, kasunod ng patutsada ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na tila “striptease” ang unti-unting paglalabas ng mga alegasyon laban sa kanya.

Ayon kay Lacson, ipinapakita lamang ng pahayag ni Cayetano ang umano’y kawalan nito ng kaalaman sa paraan ng pag-iimbestiga sa mga kumplikadong kaso ng korapsyon, partikular sa mga anomalya sa flood control.

Sinabi ni Lacson na hindi dapat minamadali o minamaliit ang imbestigasyon upang matiyak na kumpleto ang mga ebidensya at matibay ang mga alegasyong ilalabas.

Habang patuloy naman na pinapanindigan ni Cayetano na walang ghost projects sa Taguig at inakusahan si Lacson na gumagawa lamang ng kuwento kung saan hinamon din niya ang kapwa senador na itigil ang umano’y trial by publicity at hayaang gampanan ng Office of the Ombudsman ang tungkulin nito.

Matatandaan na nag-ugat ang bangayan ng dalawang senador sa imbestigasyon ni Lacson sa umano’y mga anomalya sa flood control at reclamation projects sa Taguig City.

Nauna nang sinabi ni Lacson na maaaring umabot sa P3.713 bilyon ang nasayang na pondo ng bayan sa mga flood control at multipurpose projects sa mga reclamation area sa bahagi ng Laguna de Bay sa Taguig.

Samantala, naglabas na rin ang Department of Public Works and Highways ng cease-and-desist orders laban sa mga reclamation project na sinasabing ilegal sa lungsod.