-- Advertisements --

Inilahad ng prosekusyon ang dokumento na nagsasaad ng P70,000 bayad kay Mary Grace Piattos para sa “Payment of Reward (Medicine).”

Ayon sa salaysay ni dating COA state auditor Roderick Wamil, kabilang ito sa mga acknowledgment receipts na kanyang sinuri kaugnay ng P125 milyon confidential funds ng OVP para sa Disyembre 21–31, 2022.

Nilinaw ni Wamil na hindi nila natukoy kung ang tinutukoy na “reward” ay mismong gamot o iba pang bagay, kaya humingi pa sila ng karagdagang dokumento mula sa OVP.

Bukod dito, lumabas din ang isang acknowledgment receipt na naglalaman ng P110,000 bayad kay Renan Piattos para sa “Purchase of Information.”

Gayunman, ang petsa ng dokumento ay Disyembre 2023, na labas sa saklaw ng cash advance ng OVP para sa Disyembre 2022.

Naging kontrobersyal ang pangalan ni Mary Grace Piattos matapos itong tawagin ng mga mambabatas na “fictitious,” dahil kapangalan ito ng isang kilalang lokal na restaurant at pagkain.

Ayon sa Philippine Statistics Authority, walang natagpuang birth, marriage, o death record para sa naturang pangalan.

Pinanindigan naman ng kampo ni Duterte na maaaring pseudonym lamang ito upang protektahan ang tunay na pagkakakilanlan ng tumanggap ng pondo.

Sinabi ng prosekusyon na maaari pang ipatawag si “Mary Grace Piattos” bilang testigo sa mga susunod na araw ng paglilitis, depende sa takbo ng trial. 

Samantala, nanindigan ang depensa na hindi nila alam ang pagkakakilanlan ni Piattos at ayaw nilang magbigay ng haka-haka hinggil dito.