Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na walang conflict of interest sa naging pagpupulong ng mga opisyal ng Office of the Vice President (OVP) at Commission on Audit (COA) kaugnay ng audit sa confidential funds.
Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na layunin lamang ng meeting na linawin ang mga umiiral na audit guidelines.
Ayon pa kay Poa, natalakay na ang isyu sa Senate impeachment court at mismong si presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na ang nagsabi na walang conflict of interest sa naturang usapin.
Nauna nang kinuwestiyon ni senator-judge Raffy Tulfo ang partisipasyon ni Poa sa defense panel matapos tumestig si state auditor Atty. Roderick Wamil na kabilang ang abogado sa mga opisyal ng OVP at Department of Education (DepEd) na humiling na maglabas ng audit query sa halip na Audit Observation Memorandum (AOM) kung may makitang isyu ang COA sa paggamit ng confidential funds.
Paliwanag ni Poa na humingi siya ng pagkakataong magsalita sa impeachment proceedings upang maitama ang konteksto sa naturang meeting, lalo na matapos itong pag-usapan sa pagdinig at sa social media.
Aniya, mismong si Wamil na ang nagsabing karaniwan lamang para sa mga ahensya ng gobyerno na makipag-meeting sa COA upang humingi ng paglilinaw sa mga patakaran ng pago-audit.
Dagdag pa ni Poa, tinanong din ni senator-judge Joel Villanueva ang testigo kung nakitaan ba ng ilegal ang naturang pagpupulong, sumagot naman si Wamil na wala.
Sinabi rin ng dating COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office na maging ang iba pang ahensya ng gobyerno ay nakikipag-meeting din sa COA para sa mga usaping may kaugnayan sa audit.
Ayon pa kay Poa, ang naturang meeting ay may kinalaman lamang sa Internal Control and Fraud Audit Office (ICFAO) ng COA. Aniya, inimbitahan lamang siyang dumalo dahil siya ang officer-in-charge for finance ng OVP noong panahong iyon.
















