Umaasa ang Senate Impeachment Court na agad maresolba ng Supreme Court (SC) ang mga petisyong kumukuwestiyon sa desisyon nitong baguhin ang batayan sa bilang ng mga boto para ma-convict o ma-acquit si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, inaasahan umano ni presiding officer senator-judge Francis “Chiz” Escudero at ng buong impeachment court na makapaglalabas ang SC ng desisyon bago bumoto ang mga senator-judge sa pinal na hatol sa impeachment case.
Mahalaga aniya na maresolba muna ang isyu bago ang final voting upang maiwasan ang sitwasyong nakapaglabas na ng desisyon ang impeachment court ngunit nakabinbin pa rin sa SC ang usapin tungkol sa validity ng voting threshold.
Matatandaan na sa naging ruling ng impeachment court noong Setyembre 23, 13-0 nitong pinagtibay na ang two-thirds requirement ay ibabatay sa mga senador na legal at aktuwal na makakalahok sa paglilitis. Dahil dito, nagbago ang dating 16-vote threshold, depende sa bilang ng mga senator-judge na kwalipikadong lumahok sa oras ng final judgment.
Samantala, dalawang magkahiwalay naman na petisyon na ang inihain sa Korte Suprema laban sa naturang ruling.
Si dating Executive Secretary Victor Rodriguez ang unang naghain ng Petition for Certiorari and Prohibition noong Setyembre 24 at humiling din ng temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng bagong voting rule.
Habang naghain naman si Atty. Ernesto Francisco Jr. ng hiwalay na petition noong Setyembre 25, kung saan hiniling niyang ideklarang unconstitutional ang ruling ng impeachment court at maglabas ang SC ng Status Quo Ante Order upang ihinto ang implementasyon nito.
Sa ngayon, sinabi ng impeachment court na magpapatuloy ang paglilitis habang walang kautusan mula sa Kataas-taasang Hokuman na nag-uutos na ihinto ito.
















