Ipinagmalaki ng PH government sa United Nations ang patuloy at matatag nitong pagtindig sa mga itinatakda at prinsipyo ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Sa ginanap na United Nations General Assembly sa New York, iginiit ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na patuloy na maninindigan, tatalima, at igigiit ang nilalaman ng naturang batas.
Nanawagan din ang kalihim sa iba’t-ibang bansa na palakasin ang international law at ang patuloy na pagtutulungan para sa seguridad sa karagatan at proteksyon laban sa pambubuli ng mga malalaking bansa.
Giit ng kalihim, mahalagang protektahan ang mga critical maritime infrastructure gaya ng mga ruta ng kalakalan at komunikasyon upang mapanatili ang malayang paglalayag at ekonomiya ng mga bansa.
Ginawa ni Sec. Lazaro ang pahayag sa harapan ng malalaking mga bansa na dumalo sa assembly tulad ng mga bansang Canada, Japan, Netherlands, Estonia, Bahrain, at mga miyembro ng European Union.
Bilang pagtatapos sa kaniyang mensahe, nangako ang DFA chief na patuloy na makikipagkapwa-tao at makikipagtulungan ang Pilipinas upang masiguro ang kapayapaan at seguridad sa mga karagatan, salig sa layunin ng UNCLOS.
















