Kinuwesyon ni Senator-Judge Robin Padilla ang kaalaman ni state auditor Roderick Wamil tungkol sa terorismo at mga usaping may kaugnayan sa pambansang seguridad.
Si Wamil, dating nakatalaga sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office, ay tumestigo hinggil sa audit findings sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Sa pgpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Padilla kung nakapunta na si Wamil sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Bicol Region, at iba pang bahagi ng Mindanao, pati na sa mga liblib na lugar kung saan nahaharap ang mga residente sa kakulangan ng pagkain at gamot.
Sinabi ni Wamil na nakarating na siya sa ilang bulubunduking lugar ngunit hindi niya personal na naranasan ang mga sitwasyong binanggit ng senador. Dahil dito, sinabi ni Padilla na hindi umano sapat ang exposure ng auditor sa mga ganitong kondisyon.
Tinanong din ng senador si Wamil kung pamilyar siya sa mga grupong ISIS, Abu Sayyaf, at New People’s Army (NPA). Sumagot ang auditor na nalalaman lamang niya ang mga ito sa mga pahayagan.
Ipinaliwanag naman ni Wamil na hindi imbestigasyon ang tungkulin ng COA sa confidential funds kundi para suriin lamang kung nasusunod ng isang ahensya ang mga umiiral na alituntunin sa pagli-liquidate at pagre-report ng pondo.
Kinuwestiyon din ni Padilla kung pinal na ba ang mga audit observations na inilabas ng COA. Nilinaw ni Wamil na ang Audit Observation Memorandum ay bahagi lamang ng preliminary stage ng COA audit.
Sa huli, iginiit ng senador ang kahalagahan ng confidential funds at confidential agents sa pagtugon sa mga banta sa seguridad.
Sumagot naman si Wamil na ang pangangailangan sa confidential funds ay nakadepende sa mandato ng bawat ahensya ng pamahalaan.















