-- Advertisements --

binasura ng Sandiganbayan Third Division ang ikalawang Motion for Inhibition na inihain ni dating Sen. Bong Revilla laban kay Associate Justice Karl Miranda sa kaniyang  malversation case kaugnay ng umanoy ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Iginiit ng korte na walang batayan ang paratang ni Revilla na may bias si Justice Miranda kahit pa kapatid nito ang abogado ng state witness na si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, dahil hindi naman partido sa kaso ang naturang abogado at mga prosekutor ang nagprisinta sa saksi.

Tinanggihan din ng hukuman ang argumento ng dating senador na dumedepende lamang ang nag-iisang dissenting vote ni Miranda sa testimonya ni Bernardo nang tutulan nito ang kaniyang bail, dahil nakabase rin ito sa iba pang saksi at dokumento ng prosekusyon.

Nilinaw rin ng Sandiganbayan na ang mga naging pahayag ni Justice Miranda ukol sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law ay bahagi lamang ng kaniyang adbokasiya para sa mga preso at hindi patunay ng maagang paghatol sa kaso.

Pansamantalang nakalalaya si Revilla matapos magpyansa sa pamamagitan ng 2-1 na boto ng Sandiganbayan, kung saan pumanig sa kaniya sina Associate Justice Ronald Moreno at Associate Justice Fritz Bryn Delos Santos.

Samantala, may hiwalay ding petisyon ang mga prosecutor ng Ombudsman na nagpapa-inhibit kay Justice Moreno sa kaso dahil sa umanoy hindi angkop na pagtrato nito sa mga saksi laban kay Revilla, na kasalukuyan pa ring pinagdedesisyunan ng korte.