Pinapalawak ng National Food Authority (NFA) ang imbakan nito sa Tarlac upang makabili ng mas maraming palay sa mga lokal na magsasaka at mapatibay ang supply ng bigas sa bansa.
Simula Oktubre 1, kukuha ng lease agreement ang ahensya para sa 1,782-square-meter na bodega mula sa SL Agritech Corp. sa Victoria, Tarlac na kayang mag-imbak ng humigit-kumulang 100,000 bag ng palay.
May kumpleto na rin itong pasilidad tulad ng rice mill, mechanical dryers, at truck scale.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ang karagdagang bodega upang matiyak na may siguradong pagbebentahan ang mga magsasaka sa makatwirang presyo tuwing panahon ng ani.
Sinabi naman ni NFA Administrator Larry Lacson na target nilang makabili ng hanggang 500,000 metric tons ng palay sa buong bansa gamit ang mga bagong nakuha at nabakanteng espasyo sa kanilang mga pasilidad.
Ang makukuhang supply ng palay ay gagamitin para sa programang “Benteng Bigas, Meron Na!” ng pamahalaan. Upang magkasiya ang mga bagong ani, nauna nang naisubasta ng NFA noong Pebrero ang 90 porsiyento ng lumang imbakan, habang patuloy naman ang pagtatayo ng isa pang bodega sa Tarlac City.
















