Iginiit ng testigo ng posekusyon na si dating COA state auditor Roderick Wamil na kapag nakatanggap ng notice of suspension dahil sa kabiguang sumunod sa auditing rules, nagkakaroon ng presumption na ginamit ang pondo para sa personal na kapakinabangan, sa ilalim ng mga panuntunan na nangangasiwa sa paggasta ng confidential funds.
Ito ang naging tugon ng testigo sa katanungan mula kay Senator-judge Imee Marcos kung may findings ang COA na ginamit sa pansarili ang mga confidential funds ng OVP.
Ipinaliwanag pa ng testigo na “mayroong presumption kayat hindi na kailangan pang sabihin” base sa nakasaad sa joint circular 2015-01, na nagtatakda ng guidelines sa paggamit at pag-audit ng condidential at intelligence funds.
Tinutukoy ni Wamil ang Paragraph 8.3 ng joint circular na nagsasaad na ang kabiguan ng accountable officer na i-liquidate ang public o confidential funds ay katumbas ng “prima facie evidence,” na ginasta ang nawawalang pondo sa personal na kapakinabangan.
Tinanong din ni Marcos kung may COA finding sa Audit Observation Memorandum at notice na ninakaw ang confidential funds?
Sagot ni Wamil, mayroong prima facie evidence na nagamit ito sa personal use and benefit sa ilalim ng joint circular.
Matatandaang si Wamil ang nag-audit sa confidential funds ng DepEd at OVP noong 2022 at 2023 noong nagsilbi siya sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng COA.
Ito ang ikatlo at huling araw na sumalang sa witness stand si Wamil kasabay ng pagpapatuloy ng pagdinig sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, partikular ang mga alegasyon ng umano’y maling paggmit ng confidential funds na inilaan para sa OVP at Department of Education (DepEd).















