-- Advertisements --

Dapat na umanong ituloy ng Commission on Audit (COA) ang pagsusuri sa posibleng paghahain ng criminal cases laban sa mga government official na sangkot sa umano’y maanomalyang paggamit ng Office of the Vice President (OVP) ng confidential at intelligence funds.

Ayon kay dating COA Commissioner Heidi Mendoza, dapat nang silipin ng komisyon ang paghahain ng criminal cases at hindi lamang nalilimitahan sa paglalabas ng notices of disallowance.

Ginawa ni Mendoza ang pahayag habang tinatalakay ng Senate Impeachment Court ang umano’y maanomalyang paggamit ni VP Sara Duterte sa kaniyang confidential funds na umaabot sa P612 million. Kasama rito ang P125 million na umano’y nagsatos lamang sa loob ng 11 araw.

Ayon kay Mendoza, hindi dapat natatapos sa impeachment ang isyu. Hindi rin dapat natatapos sa pagkulekta ng pera ang notice of disallowance

Kung hindi man aniya ito magawa, kailangang magkaroon ng pagbabago sa guidelines dahil malinaw na mayroong gaps.

Binalikan ng dating COA commissioner ang pagkakadawit ng ilang mga indibidwal sa isyu ng confidential funds. Ang mga hindi impeachable official aniya, ay dapat nang agad masampahan ng kaso sa tanodbayan, kapag mayroong sapat na basehan para sa kaso.

Kung nasa ilalim pa umano siya ng COA, pipilitin niyang maghain ng kaso sa Office of the Ombudsman kahit bago pa maging pinal ang notice of disallowance.

Binigyang-diin ni Mendoza ang pananagutan sa paggasta ng confidential funds na nakasalalay hindi lamang sa mga special disbursing officer kungdi maging sa mga head ng state agencies. Ang mga ito aniya ay may pananagutan na siguruhing ang public funds ay naproprotektahan.