Sinabi ni dating Surigao del Norte Rep. Ace Barbers, at House prosecution panel spokesperson, na ang pagtukoy sa mga kahina-hinalang pangalan sa confidential fund records ni Vice President Sara Duterte na mga “alias” ay hindi sapat na patunay na may binayaran na mga recipient.
Ayon kay Barbers, kailangang maipakita ng depensa sa tamang audit o proseso ng korte kung sino ang tunay na tumanggap ng pera at paano ito napatunayan.
Nauna nang sinabi ng defense panel na mga alias ang ilang pangalan sa acknowledgment receipts, kabilang ang Mary Grace Piattos.
Binigyang-diin ni Barbers na ang kawalan ng record sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay hindi awtomatikong nangangahulugang peke ang isang tao.
Gayunman, aniya, ang pagsasabing “alias” ang pangalan ay hindi rin patunay na may totoong taong tumanggap ng pera.
Sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, maaaring gamitin ang confidential funds para sa sensitibong operasyon.
Ngunit iginiit ng prosekusyon na hindi nito inaalis ang obligasyon ng gobyerno na patunayang nagastos ang pondo sa awtorisadong layunin.
Ayon kay Barbers, kailangang malinaw kung sino ang totoong tumanggap ng pera, sino ang nag-utos, at nasaan ang mga rekord na magpapatunay sa mga transaksyon.
Inaasahang magkakaroon ng pagkakataon ang depensa na patunayan ang kanilang “alias” defense at maglahad ng ebidensyang mag-uugnay sa mga acknowledgment receipt sa tunay na recipients kapag iniharap na nila ang kanilang kaso sa impeachment court.
“Sa isang scam, kailangan matukoy ang totoong scammer sa likod ng mga pangalan at dokumentong lumabas. Kaya ito ang tanong sa OVP, sino ang totoong tumanggap, sino ang nag-utos, at nasaan ang records na magpapatunay sa kanilang mga paliwanag,” pahayag ni Barbers.
















