-- Advertisements --

Plano ng House prosecution panel na hilingin sa Senate Impeachment Court para mag-isyu ng subpoena sa indibidwal na nagngangalang “Mary Grace Piattos” para dumalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ito ni House prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan sa isang ambush interview subalit nilinaw niyang hindi pa nila nahahanap si Mary Grace Piattos, na isa umano sa nakatanggap ng payouts mula sa confidential funds ng Office of the Vice President sa ilalim ni VP Sara Duterte.

Hindi naman masabi pa ng abogado kung kailan posibleng ipa-subpoena si Mary Grace Piattos dahil kung saan saan na umano nila ito hinanap pero hindi pa nila makita.

Sakali naman aniyang pahintulutan ng korte ang pag-isyu ng subpoena, ito ay ipadadala sa tanggapan ng OVP sa Mandaluyong City.

Si Mary Grace Piattos ay kabilang sa nakalistang testigo ng prosekusyon para sa impeachment trial ng bise presidente, base sa pre-trial brief.

Sa paglilitis nitong Lunes, muling lumitaw ang pangalang Mary Grace Piattos bilang isa mga nasa acknowledgment receipts ng P125 milyong confidential funds na inilabas noong huling mga araw ng Disyembre 2022, na ginastos umano sa loob lamang ng 11 araw.