-- Advertisements --

Isinusulong ngayon ng Toll Regulatory Board at ng mga tollway operator ang posibleng pagpapatupad ng toll holiday o toll discount sa mga agricultural delivery truck hanggang Disyembre 31, 2026.

Bahagi ito ng mga proactive na hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang patuloy na epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo at ang pinsalang idinulot ng matinding El Niño sa sektor ng agrikultura.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary Arrey Perez, nagpapatuloy ang mga talakayan at inaasahang magkakaroon na ng pormal na kasunduan ngayong buwan upang agad na maipatupad ang naturang toll relief sa mga pangunahing expressway.

Layunin ng panukala na maibaba ang logistics cost o gastos sa pagbibiyahe ng mga produktong agrikultural, upang maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga gulay, karne, at iba pang pangunahing bilihin sa mga pamilihan.

Bukod sa libre o discounted na toll fee, magkakaloob din ang pamahalaan ng one-time P5,000 fuel subsidy para sa mga kwalipikadong magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Magkakaroon din ng karagdagang ayuda na P2,000 weekly fuel subsidy para sa mga drayber ng agricultural delivery trucks upang matiyak ang tuloy-tuloy na biyahe ng suplay ng pagkain patungo sa mga pamilihan.