-- Advertisements --

Nanawagan ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila na magsagawa muna ng public consultation bago ipatupad ang No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, kailangang malinaw sa publiko kung may bagong ordinansa para sa NCAP, kung dumaan ito sa kinakailangang public hearing, at kung paano poprotektahan ang due process ng mga motorista.

Hinihiling din ng grupo na linawin kung may pribadong kompanyang sangkot sa pagpapatupad ng polisiya at kung makikinabang ito sa mga makokolektang multa.

Kaugnay nito, binanggit ni Inton ang naging aksyon ng Korte Suprema sa mga petisyong kumukuwestiyon sa NCAP ordinances ng ilang LGU.

Nilinaw ng LCSP na ang pagtanggi o dismissal ng mga petisyon ay hindi nangangahulugang idineklarang valid ng Korte Suprema ang mga kinuwestiyong NCAP issuances.

Giit ng grupo, hindi sila tutol sa traffic enforcement, ngunit dapat tiyaking malinaw, transparent at naaayon sa batas ang pagpapatupad ng NCAP.