-- Advertisements --

Iginiit ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na dapat munang malinaw ang legal at implementasyon ng No Contact Apprehension Policy (NCAP) bago ito ipatupad ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila.

Kasunod ito ng muling pagpapatupad ngayong araw ng NCAP sa limang lungsod sa Metro Manila—Manila, Quezon City, Parañaque, Muntinlupa at San Juan.

Samantala, ipinagpaliban naman ng Valenzuela City ang pagpapatupad nito dahil sa patuloy na roadworks at nagbabagong traffic conditions.

Ayon kay LCSP President Atty. Ariel Inton, dapat munang magsagawa ng public consultation ang mga LGU upang malinaw sa mga motorista kung may bagong ordinansa para sa NCAP, kung dumaan ito sa kinakailangang proseso, at kung paano mapoprotektahan ang kanilang due process.

Giit ni Inton, dapat ding malinaw kung sino ang may mandato sa pagpapatupad ng traffic enforcement sa Metro Manila at kung ano ang papel ng MMDA at mga LGU.

Hinihiling din ng grupo na ilahad kung may mga pribadong kompanya na kasangkot sa pagpapatupad ng NCAP at kung mayroon itong anumang bahagi sa mga makokolektang multa.

Matatandaang, nlinaw ng Supreme Court na ibinasura nito ang mga petisyon dahil naging moot ang mga isyu kasunod ng pagpapatibay ng Metro Manila Traffic Code of 2023, bukod sa iba pang procedural grounds. Kasabay nito, inalis din ng Korte Suprema ang naunang temporary restraining order laban sa pagpapatupad ng NCAP.

Gayunman, mismong Supreme Court ang naglinaw na ang dismissal ng mga petisyon ay hindi nangangahulugang idineklarang valid o constitutional ang mga dating kinukuwestiyong NCAP issuances.

Ayon sa LCSP, hindi naman sila tutol sa traffic enforcement ngunit dapat tiyaking malinaw, transparent at naaayon sa batas ang pagpapatupad ng NCAP.

Sa ilalim ng NCAP, gumagamit ng CCTV, digital cameras at iba pang teknolohiya ang mga awtoridad para maitala ang mga traffic violation nang hindi kinakailangang sitahin agad sa kalsada ang motorista.