-- Advertisements --

Umabot sa 2,480 pasyente ang nakatanggap ng libreng serbisyong medikal at dental sa isinagawang “Ugnayan sa Pamayanan Tungo sa Kapayapaan at Kaunlaran” outreach mission ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa Toboso, Negros Occidental noong Nobyembre 18, 2026.

Sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit ng Toboso, YWAM Ships Philippines, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, nakapagtala ang medical teams ng 1,585 general medical consultations, 59 laboratory services, 16 minor surgeries, 46 blood donations, at 774 dental care beneficiaries.

Bukod sa serbisyong pangkalusugan, mahigit 1,200 frontline transactions din ang naisagawa ng mga kalahok na ahensya kabilang ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa National ID at authentication, Social Security System (SSS), PhilHealth, National Bureau of Investigation (NBI), at Pag-IBIG Fund.

Nagbigay rin ng direktang serbisyo ang Philippine National Police (PNP) para sa police clearances, Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa libreng gupit, Department of Health (DOH), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Globe Philippines na naglaan ng libreng Wi-Fi connectivity.

Ang aktibidad sa Toboso ang nagsilbing unang yugto ng tatlong araw na regional outreach caravan sa hilagang bahagi ng Negros Occidental, na nagpapatuloy ngayong Nobyembre 19 sa Calatrava at magtatapos sa Escalante City sa Nobyembre 20.

Alinsunod ang programang ito sa whole-of-nation approach at direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Executive Committee meeting ng NTF-ELCAC na ipagpatuloy ang paghahatid ng kapayapaan, kaunlaran, at direktang tulong ng gobyerno sa mga komunidad.