-- Advertisements --

Itinunog na ang alarma ng krisis sa mga estado ng Fiji at Tonga sa South Pacific kaugnay ng matinding tagtuyot na naranasan nito dulot ng penomena ng El Niño.

Ayon sa pamahalaan ng Fiji, ang patuloy na paghagupit ng tagtuyot ng El Niño sa rehiyon ay pumapalo na sa “crisis thresholds” — bagay na nag-udyok sa pagdeklara ng nationwide disaster.

Pagbabahagi ni Fiji Prime Minister Sitiveni Rabuka, matinding pag-aalala sa supply ng tubig at iba pang pinsalang maidudulot ng matagalang tagtuyot ang hinaharap ng mga pamilya sa kanilang bansa.

“Families across Fiji are concerned about the availability of water and the impacts of prolonged dry conditions on their daily lives,” ani Rabuka nitong Miyerkules.

Ayon sa mga lokal na ulat, lumagapak sa nakababahalang antas ang supply ng tubig sa bansa kung saan dose-dosenang truck ang ipinadadala ng awtoridad para makapaghatid ng supply sa mga nayong hinagupit ng tagtuyot.

Samantala, naitala rin sa Tonga ang naturang krisis kung saan idineklara ang 27 araw ng state of emergency dahil sa kakulangan sa supply ng tubig dulot ng malawakang tagtuyot.

Ayon kay Acting Prime Minister Viliami Latu, makatutulong ang pagdeklara nito sa mga emergency services na tumugon sa pangangailangang may kinalaman sa naturang krisis.

“Recent reports have shown the devastating impacts on people, water resources, agriculture and livestock, with potential consequences for the health of people across Tonga,” saad ni Latu.