Nagpaalala ang Malacañang na mas gawing simple ang iba’t-ibang holiday celebrations sa bawat ahensya ng gobyerno. Ito ay parte sa cost cutting initiatives ng administrasyon dahil sa banta ng very strong El Niño.
Ayon sa Palasyo, gumagawa na ang Malacañang ng mga hakbangin sa pagtitipid, kung saan sinimulan na ito ngayong taon nang magsimula ang sigalot sa middle east.
Pinaalalahan pa ng Palasyo na mas mainam na hindi gawing magarbo ang pagdiriwang ngayong holiday season sa mga ahensya dahil sa kinakaharap na mga isyu ng bansa.
“Kaya ang dapat na mga Christmas parties ay hindi man natin ipag-utos, pero ang reminder is dapat na maging simple dahil mas marami pa tayong kakaharapin na mga issues na dapat na matugunan,” ani Castro.
Ipinag-utos rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga ahensya na maging handa at siguruhing may sapat na tubig dahil sa inaasahang kakaunting pag-ulan sa Pilipinas.
Ayon pa sa palasyo na bukas sila na suriin muli ang mga pangunahing prayoridad sa panahon ng krisis upang magamit ang Local Government Support Fund at nang sa gayon ay makapagplano ang mga lokal na opisyales sa banta ng El Niño.














