Tumindig umano laban sa karahasan at armadong impluwensya ng CPP-NPA-NDF ang kabuuang 28,415 barangay sa 60 lalawigan sa buong bansa kasunod ng deklarasyon ng mga ito sa ilalim ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) status.
Ayon kay NTF-ELCAC Deputy Director for Operations Rodrigo “Rhod” Lutao, ipinapakita ng malawak na sakop ng SIPS ang patuloy na pagkawala ng hawak ng mga rebeldeng grupo habang mas pinipili ng mga komunidad ang kapayapaan, maayos na pamamahala, at kaunlaran.
Kasabay nito, umabot na sa P44.90 bilyon ang naipamuhunan ng pamahalaan sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) para sa 5,638 barangay na dating apektado ng gulong naidulot ng insurhensya.
Inilaan ang naturang pondo sa pagtatayo ng mga kalsada, silid-aralan, pasilidad sa tubig, pampublikong ilaw, at mga center para sa kalusugan upang matiyak ang direktang serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
Ipinahayag naman ni Assistant Director General Cornelio H. Valencia Jr. na nakatuon ngayon ang task force sa pagpapatibay ng mga programang “Build Peace Better” upang permanenteng mapangalagaan ang kapayapaan at kaunlaran sa mga komunidad.















