-- Advertisements --

Hinimok ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang Kongreso na masusing irekonsidera ang panukalang batas na House Bill No. 213 na nagpaparusa sa red-tagging.

Sa isang statement, ipinunto ng Legal Cooperation Cluster (LCC) ng anti-surgency task force na maaaring magamit ang posibleng pag-parusa sa red-tagging laban sa lehitimong mga akiyon ng gobyerno kontra sa mga rebelde.

Sa halip, nananawagan ang task force para sa pagpapalakas ng umiiral na legal na remedyo at suporta para sa mga institusyon na poprotekta pareho sa pambansang seguridad at mga kalayaang sibil.

Inihayag din ng task force na ang pagsusulong na gawing kriminal ang terminong red-tagging nang walang statutory clarity o katibayan ng aktwal na pinsala, ay nagbibigay daan aniya sa pangaabuso, misapplication at political weaponization.

Ang naturang approach din aniya ay naglalagay sa panganib ng pagprotekta sa tunay na mga bantang nasa likod ng legal ambiguity habang pinaparusahan ang mga public servants na gumagampan ng kanilang sinumpaang tungkulin.

Nagpapahina din aniya ito sa mga ginagawang pagsisikap para sa pambansang seguridadd at hinahadlangan ang mandato ng gobyerno para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.

Ginawa ng Task force ang pahayag kasunod ng inihaing House Bill 213 nina party-list representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers at Renee Co ng Kabataan kung saan tinukoy sa panukala ang ruling ng Korte Suprema noong 2024 na nagdedeklarang ang red-tagging ay nagbabanta sa karapatan para sa buhay, kalayaan o seguridad ng isang tao.