Nagpahayag ng matibay na suporta ang House Young Guns na kinabibilangan nina Deputy Speaker Paolo Ortega, Deputy Speaker Jay Khonghun, Cong. Zia Alonto Adiong at Cong. Ernix Dionisio sa reporma ni Ferdinand R. Marcos Jr. sa Lifeline Rate Subsidy Program (LRSP).
Sa ilalim ng bagong polisiya, awtomatiko nang libre ang unang 50 kilowatt-hours (kWh) ng konsumo sa kuryente ng mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon sa mga mambabatas, hindi na kailangang mag-apply o dumaan sa mahabang proseso ang mga kwalipikadong pamilya upang makuha ang subsidiya.
Layunin nitong mapabilis at mapasimple ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap at marginalized na sektor.
Sinabi ng grupo na malaking ginhawa ito sa mga pamilyang nahihirapan sa mataas na bayarin sa kuryente, dahil awtomatiko na nilang matatanggap ang benepisyo bilang rehistradong 4Ps beneficiaries.
Nanawagan din ang mga mambabatas sa Department of Energy, mga electric cooperative at iba pang ahensya na tiyakin ang maayos at mabilis na pagpapatupad ng programa.










