-- Advertisements --

Hinimok ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon si Vice Pres. Sara Duterte na magbitiw na sa kaniyang kasalukuyang posisyon.

Ito ay upang makatakbo ang pangalawang pangulo sa 2028 Presidential and Local Elections, kasunod ng kaniyang naunang deklarasyon, ilang araw na ang nakakalipas.

Payo ng kalihim sa pangalawang pangulo, mas mabuting magbitiw na siya sa puwesto upang hindi na matuloy pa ang impeachment complaint laban sa kaniya na kasalukuyan ngayong nakabinbin sa Kamara.

Nagpahayag din ang kalihim ng kaniyang kagustuhan na tumakbo talaga sa halalan ang pangalawang pangulo upang ‘mapahiya’ siya sa palaging sinasabi ng kaniyang kampo na ang pamilya Duterte ang nagpanalo kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Kampante si Gadon na mas matatag ang support base ni Pang. Marcos, at mas malakas ito kumpara sa bulto ng mga suporter ni Duterte, na wala pa aniyang kakayahan sa pagbuo at pagsasagawa ng rally.

Sa kabila nito, nanindigan si Gadon na ang maagang deklarasyon ni VP Sara na tumakbo sa pagkapangulo ay magsisilbing ‘defense mechanism’ niya ukol sa posibleng pag-usad ng impeachment complaint laban sa kaniya.

Maaari aniyang sabihin kinalaunan ni VP Sara na ang magiging trial laban sa kaniya ay tanging pamumulitika lamang dahil sa kaniyang maagang deklarasyon.